Hindi ko ma-romanticize ang law school
Elementary pa lang, may ideal version na ko ng buhay ko.
Magkokolehiyo ako sa UST Manila bilang isang Journalism student habang nagtatrabaho part-time sa isang cafe. Mag-iintern ako sa ABS-CBN at paka-graduate, mag-aapply ako bilang isang writer sa Philippine Daily Inquirer. Kung wala akong balak ipagpatuloy ang pag-aaral ko, matapos ang ilang taon ay balak ko sanang mag-abroad. Lilipat ako sa New York para tuparin ang pangarap kong magsulat para sa The New York Times o kaya naman sa TIME magazine, pati na rin sa Reuters. Pero kung naisipan ko na noon pa na magpatuloy sa law school, alam kong gugustuhin ng batang Hope na sa Ateneo de Manila University siya mag-aral.
Wala masyadong natupad sa mga hinangad ko dati sa buhay.
Ang sarap isipin at balikan yung mga panahong sigurado ako sa landas na tatahakin ko. Sa totoo lang, ngayon kasi, pakiramdam ko’y naliligaw nanaman ako. Ang dali mawalan ng gana sa mga bagay kapag pagod ka. Isang araw na maramdaman mo lang na parang inaaway ka ng mundo, automatic ang kasunod na niyan na iisipin ay kung gaano kadali bumitaw.
Paano ba maglaho ang isang taong ang tingin ng iba’y palaging napakagaling?
Former ‘gifted’ child
Naramdaman kong nagsisimula akong manliit sa ikalawang linggo ng law school.
Mali yung sagot ko sa biglaang quiz nung umaga. Ang pangit ng unang recitation ko nung hapon. Nanginginig yung mga kamay ko sa tuwing may posibilidad na matawag ang pangalan ko at magkataong yung topic na hindi ko masyadong naaral ang maitanong sa’kin. May iba akong mga tanong sa professors na parang medyo obvious naman ang sagot pero tinanong ko pa rin para sigurado. Kada araw, kailangan kong gumugol ng ilang oras para basahin ang reviewers, codals, at annotated books para maka-catch up sa kung anong ididiscuss kinabukasan.
Sa kalagitnaan ng pagsisipag ko, napaisip ako: hindi naman ako ganito ka-hellbent mag-review dati.
Hindi nanginginig kamay ko kapag may recitation, scheduled man o hindi. Madalas pa nga dati, matapang akong makipag-eye contact sa mga guro at walang bahid ng takot o nginig sa boses kapag tinatawag ako. Midterms at finals, gagawa ako ng handwritten reviewer ilang oras bago ang exam para lang masiguro kong memorized ko ang mga dapat na alam ko. Nakakasabay ako sa analysis.
Hindi na ba ako magaling?
Minsan, pakiramdam ko nahuhuli ako dahil hindi ko masundan ang ibang mga konsepto at lenggwaheng ginagamit sa discussion. Literal na language of the law, ika nga. Pero nung high school ako, ang yabang ko pang gamitin yung mga Latin na pariralang madalas associated sa pag-aaral ng Law. Kaunti na lang, may lalabas nang pentagram tapos aalukin ako ni Satanas ng pera kapalit ang kaluluwa ko. Ngayon, kahit English, medyo nawiwindang na ako, lalo na kapag hindi ko masyadong nakukuha ang konteksto ng sinasabi nila. Dagdagan pa ng kaba tuwing face-to-face classes, minsan kahit alam ko naman kung ano yung tamang sagot, hindi ko masabi nang deretso dahil sa takot na baka isang maling salita ay mapahiya ako.
Hindi naman na ko bago sa pamamahiya. Dahil sa campus journ trainings, nasanay na rin akong pinapagalitan at pinagsasabihan kapag hindi gaano kaganda ang aking nasusulat. Pero iba pa rin pala talaga ang pakiramdam kapag ang daming nakatingin at nakakarinig.
Get Geromae Hope de la Fuente’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
Sa ikalawang linggo ko sa law school, napaisip ako: ito ba talaga ang tamang landas para sa akin?
Gabi-gabi, matapos ang bawat klase, ito ang bumabagabag sa isipan ko. Baka hindi talaga ako para dito. Baka sa med school pala talaga dapat ako (wow, feeling). O kaya naman, baka mas mainam na nag-professor ako dahil dati pa ako inaalok ng trabahong ito. Baka ang totoong landas ko pala ay maging isang journalist na nagtatrabaho sa New York o para sa Reuters. Baka hindi ko pala kailangan magkaroon ng “Atty.” sa unahan ng pangalan ko para lang mapatunayan na magaling ako.
Ngunit sa tuwing iniisip kong sukuan ang law school, may kirot rin sa puso ko. Nandito na ako eh — nakapasa na, nakapagbigay ng requirements, nakapagbayad na ng tuition, nakabili na ng mga libro, at sa dalawang linggo ng law school, nagkaroon na rin ng mga kaklase’t kaibigan na katuwang sa hirap na dulot ng araw-araw na night classes. Ang daling isipin na bumitaw na ngunit sa katotohanan, mahirap sukuan ang isang bagay kapag nasimulan mo nang sanayin ang sarili mo sa pagod na dulot nito. Toxic man at madalas napapaisip ako kung ito na nga ba talaga ang katapusan ko, pero ang totoo’y hindi ko rin magawang iwanan ang isa sa mga pangarap ko.
May love-hate relationship nga talaga yata ako sa pag-aaral na ito.
Trabaho sa umaga, aral sa gabi, trabaho ulit sa gabi
Third year college ako nung nangako akong iro-romanticize ko rin ang buhay ko. Spoiler alert: hindi pa rin nangyayari.
Isa sa mga rason kung bakit nakakapagod ang law school ay dahil kailangan ko itong isabay sa pagtatrabaho.
Hindi naman ito bago. Buong senior high school at college, isa akong working student. Matapos ang klase, weekends man yan o weekdays, trabaho kong mag-edit ng mga thesis ng ibang tao. Iba-ibang paaralan, iba-ibang topics, iba-ibang fields na madalas ay hindi naman ako an expert in. Minsan — pakatapos ng mga event at coverage na gabi na natatapos, at mga exam na binigyan ng disenteng libing — magpapa-umaga akong nakaharap sa laptop para matapos icheck ang thesis requirements ng iba. Kung abutin ng alas singko ng umaga (kahit alas onse ng gabi nagsimula), dalawang oras na lang ng tulog bago ako muling pumuntang eskwelahan para makipagsapalaran sa panibagong araw ng pag-aaral. Nasanay na akong kulang ang tulog kapag pumapasok.
Isang taon na akong may trabahong stable. Isang taon na rin akong nagpahinga sa pag-aaral. Siguro dahil rito kaya naninibago ulit ako. Sino ba naman ang hindi mara-rattle sa pagbalik sa pagiging isang estudyante, eh isang taon rin akong hindi nag-isip kung may quiz o recitation ba kinabukasan, o kung kelan ang exams, pati na rin kung may nakaligtaan ba akong assignments?
First week of classes, tinanong kami ng mga professors namin kung full time student ba kami o working. Lagpas kalahati ng klase ay full time students. Sigurado akong walang inggit sa puso ko nung napagtanto kong mas marami silang oras para makapag-aral. After all, I have always taken pride in being a working student. Siguro ang panghihinayang ko lang ay kung ano kayang kaya ni Hope in an alternate universe na hindi niya kailangang mag-hanapbuhay para matustusan ang mga kailangan at gusto niya sa buhay. Mas magaling kaya ako, mas kaya ko bang harapin ang law school, kung hindi ako nagtatrabaho?
Hindi ko kayang ma-romanticize ang law school tulad ng iba. Walang panahon para magpa-hanggang alas dose ng umaga sa cafes para lang mag-review. Ang weekends, imbes na sumama sa imbitasyon ng mga barkada at ilang kaibigang halos ilang buwan nang hindi nakakasama, may pasok tuwing Sabado at kaunti lang ang oras ng pahinga kapag Linggo bago mag-aral ulit. Hindi rin makapunta ng library kasama ang mga kaklase para makapag-review bago sumabak sa digmaan.
Ang hirap ng law school. Sa totoo lang. Pero baka ang dahilan kung bakit hindi ko siya ma-romanticize ay dahil hindi naman talaga siya dapat i-romanticize.
Walang iisang mukha ang pagiging law student. Minsan, they come in the form of codals and handwritten notes sa cafe, and everyday corporate attires. Sometimes, they come in the form of running to class para hindi ma-late kasi kaka-out lang galing sa work. Madalas, ang mukha ng law student ay spending nights reading cases after cases, provisions in the codals, all while doubting kung kaya mo ba talaga malagpasan ito nang hindi bumabagsak. Most days, it’s all about budgeting your time na kulang na nga to finish all work and get enough rest, tapos dinagdagan pa ng sandmakmak na readings.
Ang hirap maging law student. Ang awkward tapusin ito with an inspirational quote or word na wala masyadong bearing sa totoong buhay. They’re nice to hear, but kahit ilang “padayon” o “puhon” pa ang sabihin sa’kin, hindi nito maiibsan ang takot na araw-araw kong hinaharap simula nung tahakin ko ang landas na ito.
Sana lang, dumating ang panahon na lahat ng pagod na ito ay mapapawi ng “Atty.” sa unahan ng aking pangalan.






